Friday, January 06, 2012

this phrase will always haunt me. always.

at pinutol mo na nga ang ugnayan natin,
siguro sumunod ka lang sa mga ginawa ko.
kung gaano ako katigas, pinatunayan mong mas lalo ka na.

at kung saka-sakaling magkita man tayo sa daan,
sa iyo ko na rin kukunin ang senyales.
kapag ngumiti ka, babatiin kita
pero kung animo'y hangin lang ako, alam ko na.

Thursday, January 05, 2012

Anong pakiramdam na di na ako parte ng buhay mo.

Masakit syempre.

Kasi hanggang sa mga larawan na lang ako pwedeng makibalita sa iyo at sa mga pangyayari sa buhay mo.

Ganito pala yung sinasabi nila.  Ganito pala ang pakiramdam.  Di ko ito naramdaman sa mga romantic relationships ko.  Ni minsan di ako naging sabik na tingan ang mga larawan nila o basahin ang mga mumunting muni-muni nila sa mga personal na pahina nila.  Ni minsan di ko naramdaman ang pagsisisi o ang pagkayamot.  Sa iyo lang.  At ang mas masalimoot, di kita kasintahan, ikaw ang pinakamatalik kong kaibigan.

Pero kahit na malayo na ako, nakatingin sa iyo mula sa kabilang dulo, masaya pa rin ako para sa iyo.  Masakit, pero masaya ako na nakikita ka, kayong masaya. 

Nagpapataasan ba ng ihi?  Oo, sa tingin ko rin.  Alam ko.  Ganun nga.  Hindi ko alam kung may katuturan ba itong pagmamatigas ko.  Basta ang alam ko ngayon, ang tanging alam ko, masaya ka kahit wala ako.

Ako?  Aaminin ko sa iyo na masaya rin ako, pero nababawasan ito sa tuwing naaalala kita at ang pinagsamahan natin.  At mas nalulungkot ako sa tuwing naiisip ko na wala na yun, na kahit pa siguro magkaayos tayong tatlo ngayon, may lamat na ang pagsasamahan natin.  At kilala mo naman siguro ako, di ako magaling sa pagsisinungaling, di ako magaling magtago ng nararamdaman ko.  Habang masaya ka, masaya akong magkasama kayo.  Pero sa tuwing magkakaproblema kayo, alam kong maiinis lang uli ako sa kanya.  At ayaw mo yun, di ba?  Ayaw mong makialam ako kasi problema nyo yun.  At kilala mo ako, di ko maatim na di makialam.  Pakialamera kasi ako.  Mataas din ang pride ko.  At madali akong magtampo.  At pag nasaktan ako, magpatawad man ako, di ako nakakalimot.

Masakit ang di na maging parte ng buhay mo.  Masakit na nakakainis na nakakalungkot.  Lahat ng iyon nararamdaman ko sa tuwing pinagmamasdan ko ang mga larawan nyong dalawa.  Minsan, parte ako ng buhay nyo.  Ngayon, hindi na.  Kaninong kasalanan nga ba?  May katuturan pa ba kahit na malaman natin ang katotohanan?

Sana patuloy ang pagiging masaya nyo sa piling ng isa't isa.  Yun ang hiling ko para sa inyo sa bagong taon na ito.

Thursday, December 15, 2011

Tapos na.

Nakita kita kanina.  Nakita mo rin ako.  Nagngitian tayo.  Ano pa ba ang pwede kong maging reaksyon, di ba?  Lumipas na yung panahon na sobrang galit ako sa iyo.  Ngayon ang nararamdaman ko na lang ay panghihinayang.

Siguro kahit na magkabati pa tayo ngayon, huli na rin ang lahat.  Sabi nga nila, lahat ng bagay may tamang oras at panahon.  Lumipas na yung oras na pwede pa sana nating matama ang lahat, ang magkabati at ang kalimutan ang mga nangyari.

Masyadong mahaba na ang panahon na ginugol natin sa di pag pansin sa isa't isa, kaya ngayon, parang naaasiwa na tayo sa isa't isa.  Parang?  Mali.  Talagang asiwa na tayo sa isa't isa.

Ganun siguro talaga pag nag-away ang dating malapit na magkaibigan.  Nag-away at may mga masasakit na salitang nabitawan.  Di ko alam kung ano ang sinabi mo, pero alam ko kung ano ang mga nasambit ko.  Ngayon pa lang sasabihin ko na na di ko gusto ang mga nasabi ko.  Siguro dulot na rin ng matinding emosyon, naisumpa ko ang pangalan mo.  At sa mga panahong ganyan, kahit pa di mo narinig kung ano man yung pinagsasabi ko, nawalan na ako ng papel sa buhay mo.  Di na ako karapatdapat.  May mga bagay talaga na kahit na pagsisihan natin, di na nito mababago ang mga nangyari.

Nanghihinyang ako sa pinagsamahan natin.  Di ko naman masasabing kasalanan ko ang lahat, pero may kinalaman ako kung bakit tayo nagkaganito.

Nung una, gusto ko pang makipagbati sa iyo.  Ngayon, di ko alam kung anong gusto ko.  Naging komportable na rin kasi ako sa kung anong meron (o wala) tayo ngayon.  Sapat na.

Ang pakiusap ko na lang, alagaan mo siya.  Sinabi nya sa akin noon ayaw niya raw mamili sa ating dalawa.  Gusto ko sanang sabihin sa kanya na ni minsan, di ko ginustong mamili siya.  May kanya-kanya tayong papel sa buhay niya, yung nga lang, mas malaki ang papel mo sa buhay niya kesa sa akin.  Kaibigan lang ako, ka-ibigan ka niya.  Sa ating dalawa, mas mabibigyan mo siya ng kaligayahan.

Nagmumukha ba akong martir sa sinasabi ko?  Sana hindi.  Nagpapaubaya lang ako.  Pero sa tingin ko di ko naman kailangang pagsabihan ka.  Sabi niya pa nga, di ko yun papel sa buhay nya o sa buhay mo.  Ang papel ko ay ang makinig.  Ganun daw ang tunay na kaibigan.  Ngayon ko lang napagtanto na iba pala ang pagkakaintindi namin kung ano ang pagiging isang tunay na kaibigan.

Para sa akin kasi ang isang pagiging totoong kaibigan ay yung makipagpatayan ka hanggang sa huli, masigurado mo lang na di naargabyado ang kaibigan mo, kahit pa ikagalit nya yun, kahit pa ikamatay mo yun.  Ganun akong klase ng kaibigan.  Di ko kaya ang maging totoong kaibigan sang-ayon sa gusto niya.  Iba sa kanya, ibang-iba ako.

Kaya ako lumayo.  Kasi alam ko na kahit na maging maayos ang lahat ngayon, may mangyayari sa hinaharap na mababali ko na naman ang gusto niya.  Magagalit na naman siya.  At maiinis na naman ako kasi di niya ako maintindihan.  Paulit-ulit.  Ayoko na ng ganun.

Sumusuko na ba ako?  Oo.  Kasi sumuko na rin siya eh.  At ikaw, wala ka na rin namang pakialam, di ba?  Basta okay na kayong dalawa, okay ka na sa mundo.  Siya ang mundo mo, at ikaw ang buhay niya.

Basta alagaan mo siya.  Wag mo na siya ulit papaiyakin kasi wala na ako dyan para patahanin siya.  Alam kong di na uli siya tatakbo sa akin para hingahan ng sama ng loob.  Tapos na ang papel ko sa kanya.  Tinapos nya yun nung araw na sinabi niya sa akin (kahit pa pahapyaw) na di ko siya nirerespeto.  Kung alam niya lang kung gaano kataas nga respeto ko sa kanya.  Kung alam niya lang.

Pero sabi ko nga, tapos na ang lahat.  Sapat na. Ikaw na ang bahala sa kanya.  Pinapaubaya ko na sa iyo ang pinakamatalik kong kaibigan.